Cherreads

Chapter 2 - One: Disavow

LIA

"Labing-lima."

Ibinagsak kong muli sa sahig ang katawan na unti-unting nasusunog. Hindi ko maiwasang mapangiti.

Muli akong sinugod ng sampung mga hangal. Sabay ang kanilang pag-atake, pero wala pa ring nakalusot mula sa aking paningin. Isa-isang nagtumbahan at naglaglagan ang iba't ibang parte ng katawan ng mga immortal na nakakalaban ko, at nagsimula na silang maging abo. 

Tinitigan ko nang mabuti ang papaakyat na araw.

"Ang ganda... Ang ganda ng simula ng araw ko."

Binunot ko ang mga kutsilyong nasa ilalim ng aking buhok na nagsisilbing pangligpit sa kahabaan nito. Kumikinang ang dulo ng bawat patalim na nasa palad ko. Inilagay ko ang isa sa mga ito sa ilalim ng aking suot na itim na pantalon at ginamit ang isa upang sugatan ang kanan kong hintuturo. Mabilis ang pagragasa ng dugo mula rito; ang kaninang pulang kulay ay unti-unting naging itim. 

Hinayaan ko itong pumatak sa sahig. Ang kaninang maliit na tila bilog na likido ay unti-unting lumawak hanggang sa kumalat ito sa buong sahig ng rooftop na kinatatayuan ko sa mga sandaling ito.

Pasasabugin ko na sana ang buong gusali nang may narinig akong mga yabag na papalapit nang papalapit sa aking puwesto. Hindi lamang isa, dalawa, tatlo, o apat—marami. Napakarami nilang paparating sa kinaroroonan ko. Mas lumawak ang ngiti mula sa aking mga labi. Muli kong sinuot sa aking ulo ang hood ng jacket at inihanda ang sarili ko sa kanilang malaking bilang. Malapit na nilang marating ang kinaroroonan ko nang may umagaw sa atensyon ko. 

Nagmumula ang amoy sa ibaba ng gusaling ito. Nalanghap ko ang matatamis nilang dugo. Sa isang iglap, nasa dulo na ako ng rooftop at abot-tenga ang ngiti ko dahil sa tamang hula.

Ang mga Quicklnt. 'Ang ganda ng pagkakataon.'

Iminuwestra ko ang aking katawan upang lumundag pababa ng gusali—

"Not too fast."

Hindi ko naituloy ang plano ko. Hindi ko na maigalaw ang buong katawan ko, at kahit ang paghinga ko ay hindi ko na makontrol. Nakatuon pa rin ang aking mga mata sa papalayong pigura ng mga pinuno ng Quicklnt, papalayo nang papalayo, hanggang ni anino nila ay hindi ko na makita.

Nag-uumapaw na sa galit ang kaloob-looban ko, at lalo pa itong nagtindi nang marinig ko ang boses ng isa sa mga nilalang na nasa likuran ko lamang.

"Kanina mo pa sana nagawa ang pinaplano mo kung noon pa ay pumayag ka nang maging isa sa amin."

Hindi ko na napigilan ang galit na kanina pa nagwawala sa loob ko. Muling nagsalita ang nilalang sa likuran.

"Aminin mo na lang sa sarili mo na hindi mo kaya mag-isa... Aminin mo na lang sa sarili mo na mahina ka... napakahina mo, at kahit kailan, hindi ka mabubuhay nang walang natatanggap na tulo—"

Mabilis na natanggal ang kanyang ulo mula sa kanyang katawan, at mabilis na nagsiatrasan ang mga nagtatapang-tapangang bampira. 

Mabilis kong pinitik ang mga daliri at agad gumapang paitaas ang itim na likidong nasa sahig. Gumawa ito ng bilog na harang sa amin sa rooftop. 

Ang kaninang maliwanag na paligid ay naging makulimlim. Napaawang ang mga bibig nila.

"Tingnan natin kung sino ang pinakamahina sa ating lahat."

Binaling ko ang paningin sa kanila. Dahil dito, mas bumilis ang pintig ng kanilang mga puso.

"May sasabihin ako sa inyo. Sa totoo lang, talagang may mahina rito..."

Pinatunog ko ang mga buto sa aking leeg at nagpatuloy:

"Alam n'yo naman kung anong dapat gawin sa mga mahihina, 'di b—"

Umalingawngaw ang tunog ng sipa, kasunod nito ang tunog ng nabaling buto. 

Napangisi ako. 'Sa wakas.'

Hinimas ko ang kaliwa kong panga at inikot ang aking leeg upang maibalik ang eksaktong posisyon ng mga buto. Tatayo na sana ako nang makatanggap ako ng dalawang malalakas na sipa mula sa lalaking umatake sa akin kanina.

"Ang mga mahihina ay karapat-dapat na patayin."

Pagkatapos niyang sabihin iyon, inikot niya ang kanan kong braso.

"Aahhh! T-tama na, aaahhh!!!"

Tunog ng mga nababaling buto at palahaw ng sakit ang pumuno sa aking tenga. Binigyan ko siya ng nakakalokong ngiti at mabilis siyang tinanggalan ng ulo.

"Daming satsat."

Inangat ko ang ulo sa aking kanang kamay at inihagis ito kung saan. Pagkatapos niyon, agad na nagsitakbuhan ang kanyang mga kasamahan. 'Mga hangal.'

Sabay silang sumuntok at sumipa. Sinapo ko ang kanilang mga atake at ibinalik sa kanila. 

Mas umingay ang paligid—tunog ng nababaling buto, suntok, sipa, at palahaw ng sakit. 

Muli akong sumuntok, pero natigilan ako nang may pumigil sa aking dalawang braso. Binaling ko ang tingin sa kanila—mas humigpit ang kanilang pagkakahawak. Tumalon ako patalikod at mabilis na nakawala.

Hindi ako nagsayang ng oras. Umatake agad ako, pero bago ko pa man marating ang aking pakay—

"Tama na, Lia. Hindi kami nagpunta rito upang kalabanin ka."

Pinatunog kong muli ang buto sa leeg nang marinig ko ang boses niya.

"Gusto ka lang naming kunin. Gusto ko lang na mapangalaga—"

Tinanggal ko ang kanyang kaliwang braso. Pero hindi siya umimik. Hindi mo makikitaan ng pagdurusa; hinawakan niya lamang ang dumurugong braso.

"Lia... kailangan mong malaman na buhay siya. Buhay na buhay siya, Li—"

Malakas ko siyang sinipa, pero mabilis siyang inagapan ng dalawa niyang kasamahan.

"Matagal na siyang patay, Heimdal. Matagal na. At sa sobrang tagal, nakalimutan ko na ang mga nangyari."

Ngumiti siya ng mapait sa akin.

" Hindi, Lia. Pero tama ka—matagal na ang mga nangyari. 

At sa tagal ng lahat ng iyon, nakalimutan mo nang tumira sa kasalukuyan. Pero kailangan mong tanggapin ang katotohanan, Lia... na buhay siya. Buhay na buhay, at gusto ka niyang makita at makasama..."

Pagkatapos niyang sabihin iyon, tinanggalan ko na siya ng mga mata at piniga ko ang kanyang ulo—pati na ang dalawa pa niyang kasamahan.

" Patay na siya. Matagal na. "

More Chapters